Posted by: oneinamillionrose | April 13, 2014

Si Kuya Kong Bayani

Lately, nararamdaman ko ang pamumurol ng aking utak… kasabay ng panlalabo ng aking mga mata… paparating na yata ang aking kinatatakutan… ang pagkabulag at pagiging ulyanin. Marahil, kailangan ko nang magsulat nang magsulat ng mga larawang nakaimbak dito sa aking kukote habang narito pa sila…. lumalabo na naman ang aking paningin… pero naisulat ko na ang unang bahagi ng aking kuwento…. (Part 1 of 4).My Family Tree
Hindi ko na isusulat ang pangalan ng aking ama at inang… Hindi ko na rin sila isusulat sa pagkakataong ito, dahil maraming beses ko na itong ginawa… at natitiyak kong hanggang sa huling hugot ng aking hininga ay hindi mapapawi sa aking utak ang kanilang alaala.
Si Kuya Bebe (Bayani ang kanyang tunay na pangalan) ang aking panganay na kapatid. Hindi ko siya masyadong ka-close dahil binata na siya noong ako’y iniluwal sa liwanag. Kasalukuyan siya noong gumagawa ng sariling bakas sa lupa. Madalas ay nagaaway sila ni Ine na sobrang passionate sa paglilinis sa bahay. Minsan ay binato n’ya ito ng isang plangganang puno ng tubig na tumama pa sa hasag ni ama na nakabitin sa palupo ng aming bahay. Hindi ko malilimutan ang mga pagkakataong magkalapit kami ni Kuya nang miinsang galing s’ya sa suntukan Inawat ko siya noon at muntik na akong tamaan ng bato sa ulo. Nakita ko sa kanyang mata ang pagkabigla nang humaging sa ulo ko ang malaking bato na parang pamato sa tumbang-preso. Isang ulit ko na lamang siyang muling niyayang umuwi at siya’y pasuray-suray na tumalima. Pagdating sa pondohan ng halo-halo sa aming bakuran, naupo ako sa bangko at kinuha ang gitarang naiwan sa mesa. Nahiga siya at umunan sa aking kandungan, habang kinakanta ko ang “Hindi Kami Mga Damong Ligaw”. Akala ko ay walang halaga sa kanya iyon noon dahil lasing na lasing s’ya at parang nakatulog sa aking malamig na tinig . Ngunit hanggang ngayon, sa mga pagkakataong nagkakaraoke kami sa bahay niya, pinipindot niya ang numero ng awit na iyon upang aking kantahin.
Hindi malambing sa akin si Kuya… kahit minsan, di ko s’ya naringgan ng salitang nagpapahayag ng pagmamahal sa akin. Pero noong panahong naguuwian ako sa Binagbag, kasama ang mga bata, dinaratnan ko siyang nagtatangkas ng gulay na ibebenta kinabukasan. “Tinatapos ko na ito, para wala nang itatali bukas ng umaga” ang isinasalubong niya sa akin kahit hindi ako nagtatanong. Pagkatapos ako kamustahin at guluhin ang buhok ng mga bata ay papasok na ito sa kanyang bahay at matutulog… hindi naman tinapos ang pagtatali…. Ang katotohanan ay hinihintay lamang niya kaming dumating upang tiyaking kami’y ligtas.
Si kuya ang nagmana sa “green thumb” ni Inang. Mahusay siyang maghalaman. Basta’t naghasik ito ng punla ay tiyak na tutubo. Halaman man o punlang-bata. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral at maagang nag-asawa. Hindi naman panay hirap ang inabot ni Kuya. Natatandaan ko noong bata pa ako, mayroon siyang kotseng de-otso kung tawagin. Parang kotse ni Batman. Hindi ko lang malaman kung paanong sa pag-ikot ng gulong ng kapalaran pailalim, hindi na siya nakabalik sa ibabaw. Noong bago ako umalis patungong Indonesia, nag-iwan ako ng isang pangako sa kanya na kapag natuloy akong umalis ay hindi ko siya pababayaan. Noong oras na iyon, sa pangalawang pagkakataon, muli kong natagpuan ang kanyang mukha sa aking kandungan. (Hindi naman pala sa kandungan). Nakatayo ako noon at siya’y nakaupo, kaya’t ang mukha niya ay sa gitnang tagiliran ko nakahilig. Magaan sa loob na tulungan si Kuya… hindi siya nanghihingi at lalong hindi “naniningil”. Kahit ano o magkano ang iaabot ay abot-abot ang pasasalamat. Sa mga panahong kailangan n’ya ng tulong, kung ako man ay nagkulang, wala akong narinig na panunumbat. Ganito rin sila Inang noon, kahit alam kong kulang ang aking nakakayanang suporta ay abot-abot ang pasasalamat. Sana, kahit sa kanlurang bahagi na ng buhay ni Kuya, maipadama ko pa sa kanya ang aking pagmamahal. Marami akong naiisip na gawin para sa kanya, kasama na ang pagpasyal dito sa Indonesia. Hindi naman masama ang mangarap…
Lumalabo na naman ang aking paningin at nananakit ang aking ulo… lumalaki at lumilinaw ang floaters sa aking mga mata… kailangan munang magpahinga… sa mga susunod na araw, itutuloy ko ang pagguhit ng mga larawang nakakintal sa aking namumurol na utak…


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: