Posted by: oneinamillionrose | April 13, 2014

Bahay

Bahay :Gary Granada

Isang araw ako’y  nadalaw sa bahay tambakan

Labinglimang mag-anak ang duo’y nagsiksikan

Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira

Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira

Sa init ng tabla’t karton sila doo’y nakakulong

Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong

Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato

Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito

Ay bahay

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata

Ang kanilang kalagayan ginawan ko ng kanta

Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman

At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko

At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo

Ang pinagpala sa mundo, ang dyaryo at ang pulpito

Lahat sila’y nagkasundo na ang tawag sa ganito

Ay bahay

Maghapo’t magdamag silang kakayod, kakahig

Pagdaka’y tutukang nakaupo lang sa sahig

Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay

Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay

Baka naman isang araw kayo doon ay maligaw

Mahipo n’yo at marinig at maamoy at matanaw

Hindi ako nangungutya, kayo na rin ang magpasya

Sa palagay ninyo kaya, ito sa mata ng Maylikha

Ay bahay

 

Una kong natisod ang awiting ito sa isang programa sa telebisyon na nagtatampok sa mga musikero ng ating bansa.  Noon ko lamang din unang napanood umawit si Gary Granada. Minsan ko na rin siyang napagkamalang si Florante (de Leon) noong marinig ko ang kanyang isang awitin kundangan-kasi’y magkahawig ang kanilang tinig pati na ang istilo ng kanilang mga komposisyon. Simpleng titik at himig. Subalit ang kasimplihang ito ang nagpapalutang sa mga mensaheng kanilang isinasaad sa pamamagitan ng awitin. Sa programa ring iyon ko nahinuha na si Gary Granada pala ay isang maigting na alagad ng sining… mang-aawit, kompositor at higit sa lahat, Makata. Hindi ko malilimutan ang larawang natimo sa aking isipan habang siya’y umaawit sa saliw ng kanyang umiiyak na gitara habang ang kanyang noo’y ginigitilan ng buo-buong butil ng pawis at mga ugat sa leeg na parang nais nang sumambulat. Unang Pasko ko noon sa Filinvest Land nang maiisipan kong gamitin ang awiting ito (Bahay) sa aming Christmas Party presentation. Dahil nga ang kumpaniyang ito ay isang Real Estate company, nasipan kong ihain sa kumite na ihandog ng Finance Division ang isang dance interpretation ng awiting ito. Sa ending ay pinalitan ng isang bahay na gawa ng Filinvest ang barongbarong na set at sinabing “Ito ang bahay”. Hindi ko binitiwan ang pagsasanay ng mga napiling performers upang matiyak na maipakikita ang mensahe ng awitin. At sa unang pagkakataon, nagwagi ang Finance Division sa Christmas party na iyon. Dati-rati raw, ay halos magtago sa ilalim ng mesa ang aming boss na si Mr. Efren Reyes sa tuwing aakyat na sa stage ang mga taga Finance upang magperform. Sa pagkakataong iyon, abot-tenga ang ngiti at feeling ang tangkad-tangkad niya sa taas na 5’3”. Mahirap sagutin ang katanungang inilatag ni Gary Granada sa awiting ito, subalit sa aking pananaw, hindi ito ang uri ng “bahay” na karapat-dapat sa isang tahanang Filipino Tinatawag lamang itong isang bahay ng mga taong walang magawa upang maitaas ang antas ng uri ng balangkas na tinitirhan ng mga Filipinong naghihikahos – ang mga pulitikong nagsasamantala sa pamumutiktik ng ganitong uri ng istruktura sa kanilang nasasakupan upang makarami o mapanatili ang kanilang boto. Mga pulitikong nagbibilang ng mansiyon sa ibang bansa ngunit hindi mapapatulog sa istrukturang kung tawagin niya ay “bahay”. Kadalasan, ang mga “bahay” na ito ay binabakuran ng matataas na pader upang itago sa mata ng mga turista o mataas na taong bumibisita sa ating bansa. Kung ito nga ay “bahay”, bakit kailangan nila itong itago sa likod ng pagkatataas na pader? Tunay na nakalulungkot ang nagdudumilat na katotohanan. Noong ako’y bata pa, naririnig ko kay Ama na ang isang bahay ay nagkakahalaga lamang ng labing-dalawang libong piso (PHP 12,000.00). Kaya’t sinabi ko sa sarili ko noon, kung makatatapos ako ng pag-aaral at magkakatrabaho, sa loob ng isang taon ay makapagpapatayo na ako ng bahay. Noong panahong iyon, ang ibig sabihin ng bahay ay dalawang palapag na yari kahoy ,(ang unang palapag ay silong lamang at ginagawang imbakan ng bigas at mga alagang manok) may sahig na kawayan sa kusina, sahig na narra sa sala at silid, hagdang malalapad at makakakapal na baitang, may sementong “landing”, at bintanang kapis. Kasabay ng aking paglaki ay nag iba-iba na rin ang disenyo ng mga bahay. Habang dumarami ang siyudad, at kumakapal ang populasyon, nagbabago rin ang anyo ng mga bahay. Subalit sa isip ko, dapat, papaunlad ang bansa, papaunlad ang pamumuhay, papaganda at papatibay ang mga bahay. Hindi ko maintindihan kung kalian at paanong nauso ang bahay na tinuturan sa deskripsiyon sa awiting ito. Nguni’t habang humahaba ang aking mga binti, kumakapal ang kalyo ng kamay, natututong lumangoy sa daloy ng buhay, unti-unti ring namulat ang aking mga mata sa katotohanan. Katotohanang sa mundong ito lalo na sa ibabaw ng mga isla ng Pilipinas, matuto kang kumampay nang masigasig upang makapagtayo ng isang pugad na naaayon sa iyong depinisyon sa isang “bahay”. Sa paglipad na ito ay natagpuan ko ang aking sariling nakadapo sa industriya ng real estate. Dito ko natunghayan ang pagbabago ng anyo ng kalupaan ng Pilipinas. Mga bundok na binagbag, ilog na hinukay, kagubatang kinalbo at dagat at kabukirang tinabunan upang tayuan ng iba’t ibang uri ng komunidad. Sa paglipad ding ito, at sa mapagmatyag at nakadilat na mga mata ay aking nasaksihan ang iba’t ibang uri ng pamumuhay sa bawa’t tumpok ng lupa ayon sa anyo ng bubong ng mga bahay. Katahimikan ang nakalarawan sa mga bubong ng bahay sa lalawigan. Samantalang sa pinakamayayamang lungsod, naghahambog ang mga bubong ng pinakamatatayog na gusali at sa likod ng mga gusaling iyon ay nakakanlong ang mga tahanang nagsisiksikan sa “lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong; Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato na ang tawag ng mga pulitiko, dalubhasang propesor, pinagpala sa mundo dyaryo at ang pulpito ay “BAHAY”. Habang ang istrukturang ito ay tinatawag nilang bahay, wala tayong maasahang pagkilos sa mga manhid na namamahala sa ating Pamahalaan.

 

Narito naman po ang link para sa mga nais marinig ang awit na ito. 

http://youtu.be/YCZXp3yaZ-A

xristka apostolate at mother ignacia village also known as “basurahan”

Leave a comment

Categories