Posted by: oneinamillionrose | November 4, 2012

Skylab

“End of the world na raw amigs!!!”

 Ito ang humahangos na salubong sa akin ni Sallie, sabay bagsak ng makapal na aklat sa mesang katabi ko. 

 Napatitig ako sa kanyang mabibilog na matang natatabingan ng makapal na salamin habang inaabsorb ng utak ko ang aking narinig.  Maraming beses na kasi akong nakarinig ng katulad na espekulasyon.  Nakalakihan ko na at nakasanayan ang maraming beses na pasulpot-sulpot na katulad na hula. 

 “Ano ba amigs, naririnig mo ba ako? Babagsak daw ang Skylab!!!”, nakapamewang at nakadukwang na s’ya sa harap ng mesa ko, halos magkadikit na ang aming mga mukha. 

 May kilabot na hatid ang huling katagang iyon… Skylab…

 “Ito amigs ung Mir space station, 86 ft ang haba, 55 ft ang lapad, 21 ft ang diameter”  litanya niya, habang iwinawagayway sa mukha ko ang front page ng dyaryong Taliba.

 Dagling inagaw ko ang pahayagan, ipinatong ito sa aking mesa at matamang binasa ang balitang iyon. Nakatakda na ngang bumagsak sa lupa ang Skylab sa loob ng tatlong araw. 

 “Amigs, hindi naman magugunaw ang mundo kahit bumagsak ito ng buong-buo” nakangiti kong balik sa kanya. “ At isa pa, pasasabugin daw ito sa himpapawid para maliliit na debris na lang pagdating sa lupa”.

 “Ay, basta, kailangang maghanda tayo amigs, mahirap na” punong puno ng emosyong konklusiyon niya, sabay tulak sa gitna ng kanyang salamin sa mata.

 Si Sallie ay kababayan at kasamahan ko sa opisinang pinaglilingkuran.  Punong-puno ng ekspresyon ang kaniyang mabibilog na mata. Mahaba at kulot ang pilikmata, may kakapalan ang labi , katamtaman ang haba ng kulot niyang buhok, mestisahin at pekasin ang mukha. Kahit bilugan ay seksi naman s’ya at dalagang dalaga na ang pangangatawan, hindi katulad ko na manipis ang dibdib.  Pareho kaming working student noon at sabay pumapasok sa PUP tuwing gabi. Amigs ang tawag namin sa isa’t isa, short for “amiga”. 

 Tulad ng inaasahan, ang pagbagsak ng skylab ang topic sa opisina sa buong maghapong iyon.  Iba’t iba ang opinyon. May natatakot, may nag panic-buying at mayroon namang dinadaan sa biro ang lahat.

“Naku, dapat nang tumikim ng “luto ng Diyos” ang mga machora d’yan” buska ng isang office mate naming lalaki sa mga old maid na kasamahan.   Si Sallie naman ay napansin kong mas mahaba ang oras na ginugol sa pakikipagusap sa telepono sa kanyang boyfriend nang tanghaling iyon.

 Hanggang sa dyipni papasok sa unibersidad ay patuloy si Sallie sa pangungulit sa akin. “amigs, paano na ang pangarap natin? Hindi na tayo makatatapos ng pag-aaral, hindi na tayo magiging CPA, hindi na tayo magiging manager”  litanya n’ya sa pagitan ng pagtulak-tulak sa gitna ng kanyang salamin sa mata. 

 “Oo  nga, paano na kaya ang kinabukasan at pangarap natin” ang tila nahahawang sagot ko.

Sa araw-araw na pagsasabay namin sa pagpasok, sabay din naming binabalangkas ang aming mga pangarap.  Pareho nga kasi kaming working student at parehong nananaginip na mahango sa kahirapan ang aming pamilya.  Ulila na si Sallie at may mga kapatid na nais tulungan pagdating ng araw. 

 Nagbabago lang ang mood namin tuwing dadaan kami sa hilehilerang “biglang liko” sa gawing Sta.Mesa bago makarating sa PUP.  Kahit seryoso si Sallie ay may kapilyahan din naman ito.  “amigs”  karaniwang bulong n’ya sa akin, sabay hatak sa aking siko palapit sa kanya, “dali, tignan mo kung may kilala ka sa mga taksing lalabas o papasok sa mga ‘yan” sabay dikit sa tenga ko ng makakapal na labing tinatabingan ng kamay.

 “Malabo ang mata ko amigs, di ko sila makilala”  sabay hanap naman ako ng siwang sa bintana ng dyip upang tignan ang mga taksing inginunguso n’ya.  “Naku, dapat huwag tayong papayag pumasok d’yan amigs” ang may pananakot na sabi n’ya sa akin.  “sus, wala naman akong boyfriend a! Ikaw nga ang dapat h’wag sasama kay Nanding amigs” protesta, sabay  kantiyaw ko sa kaniya. Hindi nalingid sa akin ang biglaang kurap ng kaniyang mata. Pag bukas nito’y tila may isang bumbimbilyang namatay at nabawasan ang kislap ng kanyang mga mata.  Nanatili kaming tahimik hanggang maghiwalay kami sa tapat ng hagdan kung saan dapat na akong pumanhik patungo sa aking klase.  “Sige amigs, kita tayo ulit bukas” halos sabay naming bigkas.

 Hindi ko malimutan ang saglit na pagkawala ng kislap na iyon sa kanyang mga mata.  “May nasabi kaya akong masama kanina?” tanong ko sa aking sarili habang mabigat ang mga hakbang na inaakyat ang matarik na hagdan.

 “Bumagsak na raw ang skylab sa Indian Ocean!!! Sigaw nang aming supervisor.  kahit narinig naming lahat mula sa kaniyang malakas na transistor ang balita. 

 “Hay, salamat naman, hindi tumama sa Pilipinas” sabay buntong-hiningang wika ni Ate Lota.  “O, asan na si Sallie? Dapat siyang magsaya, hindi nagunaw ang mundo”. Tawanan ang lahat.  Sa totoo lang, lahat kami’y masaya dahil sa magandang balitang iyon. 

 “Nasaan nga ba si sallie? Kahapon pa siya absent”, tanong ng isa, habang lahat sila’y bumaling sa akin, na parang dapat ay alam ko ang lahat ng nangyayari sa kaniya.  At siyempre, “hindi ko alam” ang aking sagot.

 Magmula noon ay hindi na pumasok si Sallie. Nag AWOL na siya sa opisina at nag drop-out na rin sa unibersidad.  Hulyo 9, 1979 kami huling nagkita, dalawang araw bago bumagsak ang Skylab sa lupa.

Malungkot ang buong semester na iyon, dahil wala na akong kasabay at kak’wentuhan sa dyipni gabi-gabi. Iniiwasan ko na ring tumingin sa hilehilerang motel na nadadaanan ko. Hindi ko alam kung bakit, pero basta ayokong tumingin. Siguro, ayokong isipin ng mga kasabay ko na tsismosa ako, o mas malala, baka isipin nilang gusto kong pumasok doon.

 Marso 1980, palabas ako ng gate ng PUP nang biglang may humatak sa aking braso. Pamilyar ang hipo ng malambot at matatabang daliri na sumakop sa aking siko.  “Amigs!!!” ang sigaw ng lalong pamilyar na tinig na iyon. Magkalapit kami, subalit pasigaw kaming nagkamustahan.   “Amigs, bakit ka narito? Bakit bigla kang nawala? Saan ka na ngayon? Anong ginagawa mo? Namiss kita, sobra!” Ang sunod-sunod kong tanong at deklarasyon.

 “Mahabang istorya, amigs, nag aayos ako ng records ko para makabalik sa esk’wela sa next sem. Nagpakasal na kami ni Nanding at bibinyagan ang panganay namin next month.  Ninang ka ha?” ang sunod-sunod niyang sagot, habang maya’t maya’y itinutulak-tulak ang gitna ng salamin sa mata.

 Ganoon pa rin si Sallie, walang pagbabago. Makislap at namimilog ang mata habang nagsasalita.  Matipid ang ngiti ng  tila naninimbang na labi.  “Ayoko kasing ngumiti ng malaki, kasi maluwang ang aking bibig” ang sabi niya sa akin noong minsang tinanong ko siya kung bakit matipid siyang ngumiti.

 Iniaabot niya sa akin ang isang imbitasyon. Mahigpit kaming nagyakap na parang nais bawiin ang lahat ng nagdaang panahon.

 Nasa dyip na ako nang maalala kong buksan ang imbitasyong isinuksok sa aklat na kipkip-kipkip kanina.

 “Please share our joy in the Christening of our daughter… SKY LOVE.”

 

 

 

Note:  Ang mga nilalaman ng kwentong ito ay kathang-isip lamang… ang pagkakatulad ng mga pangalan ng mga tauhan at mga pangyayari ay walang kinalaman sa tunay na buhay.

                       

 

 

 

 


Responses

  1. Mahusay po kayong k’wentista.🙂


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: