Posted by: oneinamillionrose | June 15, 2014

Isang Sulyap Sa Aking Ama (on Father’s Day)

Image

This is my father’s photo. 

But it doesn’t capture all the memories of him that flood my mind when I think about him.  Let me tell you a story… thru pictures… So sad I couldn’t post them here… di pa kasi uso and selfie noon.  Siguro, to make it easier to relate to, i represent na lang natin ang mga ito sa mga bagay-bagay na maaaring  ma-imagine.

Batang maarte(meaning-Bunso):  When I was a child, pagkagising, kinakarga nya ako, kc sobrang kilitiin ang talampakan ko. Hindi ko alam kung bakit, hindi ako makalakad nang nakayapak sa sahig. Ang sahig namin noon ay yari sa tabla na sobrang kinis.  Walang floorwax, pero sobrang dulas at puti sa ka i-isis ni Ine (my eldest sister) ng dahon ng pakiling.  Kwento ni Inang, I would cry out “Ama, kargahin nyo na ako, kiliting-kiliti ang paa ko!!!” At kakargahin na nya ako patungo sa hapag-kainan.  Sa haba ng katawan ko, (sa edad na 6-7)  halos sumayad na ang paa ako sa sahig kung karga ako ni Ama noon. 

Layak:  on our way to “Sukol” (sa bukid namin sa bundok) lagi akong sakay sa balikat ni ama (syempre! J) and he would stop in every vine of “layak” that we find along the way para makapamitas ako ng hinog na bunga nito. 

Hasag: Hindi ko malilimutan kung paanong sabik na sabik kaming naghihintay na magliwanag ang buong kabahayan habang binubuhay ni Ama ang aming hasag.   Kasabay nito ang paulit-ulit na paliwanag at pagbibigay instruction paano ito gagawin kapag wala siya.  Siempre di ako natuto, kasi maliit pa ako noon at ang isip ko ay lumilipad sa kwento ni Rizal kung paanong nasunog ang isang gamo-gamo …

Juan Tamad:  Bago matulog, kapag nasa mood sya, at nagkukwento sya ng mga kwento ni lola Basyang, that always end up with Juang Tamad carrying his “kuwan” either in a “kaing” on his  back or tied to his neck to prevent it from falling… (OMG!)

Signal Light (Car): On our way to school, akay-akay nya ako along EDSA from Clover Leaf to my school around 2 Km lang naman siguro ang distance… I learned by first “driving lesson” from him.  As we were about to cross a street (where vehicles turn right from EDSA to go down to NLEX), he said “ titignan mo kung naka-signal sa kanan, ibig sabihin, liliko yan sa kanan… wag ka tatawid”.  Until now, when I drive, otomatikong naka signal ako kapag liliko, o mag che-change lane. 

Voice lesson:  Sabi nya, pag kakanta ako, dapat hihigitin ko ang hangin from my stomach at dibdib.  Dati kaya ko yun gawin, pero nung tumagal, naiipit na lang sa throat yung boses ko. 

Sinturon:  A ito, di na kailangang I-kwento ito, alam nyo na yan!!! Pero may ibang twist… one night, na late kami ng uwi ng ditse ko, kinaray-karay nya akong manood ng sine, double program at naglakad kami pauwi from Monumento to Balintawak kc naubos pamasahae namin.  Of course, when we arrived, my warning agad sa amin ung kasambahay naming na lagot kami kay ama pag-uwi nito.  So, nung maramdaman kong parating na sya, dumapa na ako, ready na ang pwet ko with padding at di na ako humihinga… He blurted out “ O, bakit nakatuwad ang bunso ko? Humihingi ng kasunod?” Then he picked me up and hugged me and threw me up the air laughing… I don’t remember anymore what came next, but surely I don’t remember his belt landing on my butt. 

Poso:   Si ama ay isang magpoposo… halos lahat ng poso sa aming barrio, pati sa bayan ng Angat ay siya ang gumawa.  Kung hindi man siya ang gumawa, siguradong natawag na siya upang mag repair ng mga ito.  One day, I told him that I need to pay my tuition fee the next day… sabi nya, sige nak, mamaya, may ibibigay ako sa’yo.  Nang tanghaling yaon, pauwi ako, nadaanan ko siyang nakalambitin sa kalo, katanghaliang tapat, at alam kong hindi pa nanananghalian… Gusto kong umiyak noon, realizing how hard he worked to earn money for my tuition fee… and that same moment I promised myself magtatapos ako ng pag aaral upang magantihan ang kanyang hirap.

Badminton: Ama was lying on the sofa, while Inang was sitting on her tumba-tumba, both holding racket as they  play badminton with my son Angel in our sala.  Ama would giggle and say “ Kawawa naman ang apo ko, parehong hukluban ang kalaro.  But Angel truly enjoyed playing badminton with them. 

Lotto:  One day, Ama called me and asked me to go home quickly as he “won” the lotto and want me to drive him to Lotto office to claim the prize. Pag dating ko, hilong-hilo sya sa kahahanap ng ticket nya. He showed me a paper with the winning number written on it, sabi nya,” ito ung tinayaan ko e”. Yes, it was the winning number, but his ticket was missing. What happened next, and how he thought he won-is another long story to tell.  (hehe).

Hospital bed:  I hate hospital beds! One time, I brought Ama to hospital for treatment of his bleeding ulcer.  I was pregnant then with my daughter Nikki. The doctor was having a hard time inserting the long flexible tube through his mouth as he resisted violently. Sobrang awa ko sa kanya, tinanong ko yung doctor kung may ibang paraan.  She told me kailangan talaga un, para sondahin ung dugo sa loob.  I was already crying and whispered to him, kailangan nya yon.  Only then he cooperated, and the doctor asked me to stay away for a while as it was also not good for my condition. Though It was successful and Ama had lived another 10 years after that, there were lots of sad memories on “hospital bed-stage” that followed.

 3 pirasong ubas:  I went home late from work that night when Inang told me Ama had not eaten anything the whole day.  We had just checked him out of the hospital a week from then and seen him recovering slowly.  I asked him if he wanted to be brought back to the hospital the next day and he agreed. I tried to give him a piece of grape and he obliged.  Sinubuan ko pa ulit siya, ngunit 3 lamang ang kinain niya.  Iniluwa niya ang balat at inilagay sa aking palad.  “Bukas na lang anak, maaga tayo pumunta sa ospital. Mukhang pagod na pagod ka kasi”, ang kanyang mahinang bulong.  Isang halik sa noo ang aking iginawad sa kanya, at saka ako umakyat upang matulog.  Hindi ko na siya muling nakausap mula noon.

Father’s day:  Tanging ikaw lamang Ama ang ibig sabihin sa akin ng araw na ito.  I love you, I miss you… always in my heart.

Posted by: oneinamillionrose | April 13, 2014

Bahay

Bahay :Gary Granada

Isang araw ako’y  nadalaw sa bahay tambakan

Labinglimang mag-anak ang duo’y nagsiksikan

Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira

Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira

Sa init ng tabla’t karton sila doo’y nakakulong

Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong

Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato

Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito

Ay bahay

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata

Ang kanilang kalagayan ginawan ko ng kanta

Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman

At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko

At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo

Ang pinagpala sa mundo, ang dyaryo at ang pulpito

Lahat sila’y nagkasundo na ang tawag sa ganito

Ay bahay

Maghapo’t magdamag silang kakayod, kakahig

Pagdaka’y tutukang nakaupo lang sa sahig

Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay

Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay

Baka naman isang araw kayo doon ay maligaw

Mahipo n’yo at marinig at maamoy at matanaw

Hindi ako nangungutya, kayo na rin ang magpasya

Sa palagay ninyo kaya, ito sa mata ng Maylikha

Ay bahay

 

Una kong natisod ang awiting ito sa isang programa sa telebisyon na nagtatampok sa mga musikero ng ating bansa.  Noon ko lamang din unang napanood umawit si Gary Granada. Minsan ko na rin siyang napagkamalang si Florante (de Leon) noong marinig ko ang kanyang isang awitin kundangan-kasi’y magkahawig ang kanilang tinig pati na ang istilo ng kanilang mga komposisyon. Simpleng titik at himig. Subalit ang kasimplihang ito ang nagpapalutang sa mga mensaheng kanilang isinasaad sa pamamagitan ng awitin. Sa programa ring iyon ko nahinuha na si Gary Granada pala ay isang maigting na alagad ng sining… mang-aawit, kompositor at higit sa lahat, Makata. Hindi ko malilimutan ang larawang natimo sa aking isipan habang siya’y umaawit sa saliw ng kanyang umiiyak na gitara habang ang kanyang noo’y ginigitilan ng buo-buong butil ng pawis at mga ugat sa leeg na parang nais nang sumambulat. Unang Pasko ko noon sa Filinvest Land nang maiisipan kong gamitin ang awiting ito (Bahay) sa aming Christmas Party presentation. Dahil nga ang kumpaniyang ito ay isang Real Estate company, nasipan kong ihain sa kumite na ihandog ng Finance Division ang isang dance interpretation ng awiting ito. Sa ending ay pinalitan ng isang bahay na gawa ng Filinvest ang barongbarong na set at sinabing “Ito ang bahay”. Hindi ko binitiwan ang pagsasanay ng mga napiling performers upang matiyak na maipakikita ang mensahe ng awitin. At sa unang pagkakataon, nagwagi ang Finance Division sa Christmas party na iyon. Dati-rati raw, ay halos magtago sa ilalim ng mesa ang aming boss na si Mr. Efren Reyes sa tuwing aakyat na sa stage ang mga taga Finance upang magperform. Sa pagkakataong iyon, abot-tenga ang ngiti at feeling ang tangkad-tangkad niya sa taas na 5’3”. Mahirap sagutin ang katanungang inilatag ni Gary Granada sa awiting ito, subalit sa aking pananaw, hindi ito ang uri ng “bahay” na karapat-dapat sa isang tahanang Filipino Tinatawag lamang itong isang bahay ng mga taong walang magawa upang maitaas ang antas ng uri ng balangkas na tinitirhan ng mga Filipinong naghihikahos – ang mga pulitikong nagsasamantala sa pamumutiktik ng ganitong uri ng istruktura sa kanilang nasasakupan upang makarami o mapanatili ang kanilang boto. Mga pulitikong nagbibilang ng mansiyon sa ibang bansa ngunit hindi mapapatulog sa istrukturang kung tawagin niya ay “bahay”. Kadalasan, ang mga “bahay” na ito ay binabakuran ng matataas na pader upang itago sa mata ng mga turista o mataas na taong bumibisita sa ating bansa. Kung ito nga ay “bahay”, bakit kailangan nila itong itago sa likod ng pagkatataas na pader? Tunay na nakalulungkot ang nagdudumilat na katotohanan. Noong ako’y bata pa, naririnig ko kay Ama na ang isang bahay ay nagkakahalaga lamang ng labing-dalawang libong piso (PHP 12,000.00). Kaya’t sinabi ko sa sarili ko noon, kung makatatapos ako ng pag-aaral at magkakatrabaho, sa loob ng isang taon ay makapagpapatayo na ako ng bahay. Noong panahong iyon, ang ibig sabihin ng bahay ay dalawang palapag na yari kahoy ,(ang unang palapag ay silong lamang at ginagawang imbakan ng bigas at mga alagang manok) may sahig na kawayan sa kusina, sahig na narra sa sala at silid, hagdang malalapad at makakakapal na baitang, may sementong “landing”, at bintanang kapis. Kasabay ng aking paglaki ay nag iba-iba na rin ang disenyo ng mga bahay. Habang dumarami ang siyudad, at kumakapal ang populasyon, nagbabago rin ang anyo ng mga bahay. Subalit sa isip ko, dapat, papaunlad ang bansa, papaunlad ang pamumuhay, papaganda at papatibay ang mga bahay. Hindi ko maintindihan kung kalian at paanong nauso ang bahay na tinuturan sa deskripsiyon sa awiting ito. Nguni’t habang humahaba ang aking mga binti, kumakapal ang kalyo ng kamay, natututong lumangoy sa daloy ng buhay, unti-unti ring namulat ang aking mga mata sa katotohanan. Katotohanang sa mundong ito lalo na sa ibabaw ng mga isla ng Pilipinas, matuto kang kumampay nang masigasig upang makapagtayo ng isang pugad na naaayon sa iyong depinisyon sa isang “bahay”. Sa paglipad na ito ay natagpuan ko ang aking sariling nakadapo sa industriya ng real estate. Dito ko natunghayan ang pagbabago ng anyo ng kalupaan ng Pilipinas. Mga bundok na binagbag, ilog na hinukay, kagubatang kinalbo at dagat at kabukirang tinabunan upang tayuan ng iba’t ibang uri ng komunidad. Sa paglipad ding ito, at sa mapagmatyag at nakadilat na mga mata ay aking nasaksihan ang iba’t ibang uri ng pamumuhay sa bawa’t tumpok ng lupa ayon sa anyo ng bubong ng mga bahay. Katahimikan ang nakalarawan sa mga bubong ng bahay sa lalawigan. Samantalang sa pinakamayayamang lungsod, naghahambog ang mga bubong ng pinakamatatayog na gusali at sa likod ng mga gusaling iyon ay nakakanlong ang mga tahanang nagsisiksikan sa “lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong; Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato na ang tawag ng mga pulitiko, dalubhasang propesor, pinagpala sa mundo dyaryo at ang pulpito ay “BAHAY”. Habang ang istrukturang ito ay tinatawag nilang bahay, wala tayong maasahang pagkilos sa mga manhid na namamahala sa ating Pamahalaan.

 

Narito naman po ang link para sa mga nais marinig ang awit na ito. 

http://youtu.be/YCZXp3yaZ-A

xristka apostolate at mother ignacia village also known as “basurahan”
Posted by: oneinamillionrose | April 13, 2014

Nang Gabing Ikaw’y Malunod Sa Aking Halimuyak


Ngayong gabi, halina’t magpaubaya sa indak ng matamis na tugtugin…
Hayaang lunurin sa kutitap ng mga bituin ang pangungulilang bumabalot sa iyong puso.
Hagkan ang pangako ng nagmamadaling umaga.
At bukas, taglayin ang halimuyak ng mga Rosas na ipababaon ko sa iyong mga kamay.

Ito ang bulong ng isang diwata sa balintataw ng inaantok mong gunita…

At nang ikaw’y magising mula sa matamis na pagkahimbing, binalot ka ng halimuyak ng mga rosas!!!

Kumawala ang kamay sa mahigpit na pagkahawak.

“H”wag mo akong iiwan” iyong pakiuasap…
Ngunit nakabitiw ang iyong nangangatal na palad…
At ang botelya ng lotion, dagliang nabasag!!!
Photo: Nang Gabing Ikaw'y Malunod Sa Aking Halimuyak

Ngayong gabi, halina't magpaubaya sa indak ng matamis na tugtugin... Hayaang lunurin sa kutitap ng mga bituin ang pangungulilang bumabalot sa iyong puso. Hagkan ang pangako ng nagmamadaling umaga. At bukas, taglayin ang halimuyak ng mga Rosas na ipababaon ko sa iyong mga kamay.  

Ito ang bulong ng isang diwata sa balintataw ng inaantok mong gunita... At nang ikaw'y magising mula sa matamis na pagkahimbing, binalot ka ng halimuyak ng mga rosas!!! 

Kumawala ang kamay sa mahigpit na pagkahawak. "H"wag mo akong iiwan" iyong pakiuasap... Ngunit nakabitiw ang iyong nangangatal na palad... At ang botelya ng lotion, dagliang nabasag!!!
Posted by: oneinamillionrose | April 13, 2014

Si Kuya Kong Bayani

Lately, nararamdaman ko ang pamumurol ng aking utak… kasabay ng panlalabo ng aking mga mata… paparating na yata ang aking kinatatakutan… ang pagkabulag at pagiging ulyanin. Marahil, kailangan ko nang magsulat nang magsulat ng mga larawang nakaimbak dito sa aking kukote habang narito pa sila…. lumalabo na naman ang aking paningin… pero naisulat ko na ang unang bahagi ng aking kuwento…. (Part 1 of 4).My Family Tree
Hindi ko na isusulat ang pangalan ng aking ama at inang… Hindi ko na rin sila isusulat sa pagkakataong ito, dahil maraming beses ko na itong ginawa… at natitiyak kong hanggang sa huling hugot ng aking hininga ay hindi mapapawi sa aking utak ang kanilang alaala.
Si Kuya Bebe (Bayani ang kanyang tunay na pangalan) ang aking panganay na kapatid. Hindi ko siya masyadong ka-close dahil binata na siya noong ako’y iniluwal sa liwanag. Kasalukuyan siya noong gumagawa ng sariling bakas sa lupa. Madalas ay nagaaway sila ni Ine na sobrang passionate sa paglilinis sa bahay. Minsan ay binato n’ya ito ng isang plangganang puno ng tubig na tumama pa sa hasag ni ama na nakabitin sa palupo ng aming bahay. Hindi ko malilimutan ang mga pagkakataong magkalapit kami ni Kuya nang miinsang galing s’ya sa suntukan Inawat ko siya noon at muntik na akong tamaan ng bato sa ulo. Nakita ko sa kanyang mata ang pagkabigla nang humaging sa ulo ko ang malaking bato na parang pamato sa tumbang-preso. Isang ulit ko na lamang siyang muling niyayang umuwi at siya’y pasuray-suray na tumalima. Pagdating sa pondohan ng halo-halo sa aming bakuran, naupo ako sa bangko at kinuha ang gitarang naiwan sa mesa. Nahiga siya at umunan sa aking kandungan, habang kinakanta ko ang “Hindi Kami Mga Damong Ligaw”. Akala ko ay walang halaga sa kanya iyon noon dahil lasing na lasing s’ya at parang nakatulog sa aking malamig na tinig . Ngunit hanggang ngayon, sa mga pagkakataong nagkakaraoke kami sa bahay niya, pinipindot niya ang numero ng awit na iyon upang aking kantahin.
Hindi malambing sa akin si Kuya… kahit minsan, di ko s’ya naringgan ng salitang nagpapahayag ng pagmamahal sa akin. Pero noong panahong naguuwian ako sa Binagbag, kasama ang mga bata, dinaratnan ko siyang nagtatangkas ng gulay na ibebenta kinabukasan. “Tinatapos ko na ito, para wala nang itatali bukas ng umaga” ang isinasalubong niya sa akin kahit hindi ako nagtatanong. Pagkatapos ako kamustahin at guluhin ang buhok ng mga bata ay papasok na ito sa kanyang bahay at matutulog… hindi naman tinapos ang pagtatali…. Ang katotohanan ay hinihintay lamang niya kaming dumating upang tiyaking kami’y ligtas.
Si kuya ang nagmana sa “green thumb” ni Inang. Mahusay siyang maghalaman. Basta’t naghasik ito ng punla ay tiyak na tutubo. Halaman man o punlang-bata. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral at maagang nag-asawa. Hindi naman panay hirap ang inabot ni Kuya. Natatandaan ko noong bata pa ako, mayroon siyang kotseng de-otso kung tawagin. Parang kotse ni Batman. Hindi ko lang malaman kung paanong sa pag-ikot ng gulong ng kapalaran pailalim, hindi na siya nakabalik sa ibabaw. Noong bago ako umalis patungong Indonesia, nag-iwan ako ng isang pangako sa kanya na kapag natuloy akong umalis ay hindi ko siya pababayaan. Noong oras na iyon, sa pangalawang pagkakataon, muli kong natagpuan ang kanyang mukha sa aking kandungan. (Hindi naman pala sa kandungan). Nakatayo ako noon at siya’y nakaupo, kaya’t ang mukha niya ay sa gitnang tagiliran ko nakahilig. Magaan sa loob na tulungan si Kuya… hindi siya nanghihingi at lalong hindi “naniningil”. Kahit ano o magkano ang iaabot ay abot-abot ang pasasalamat. Sa mga panahong kailangan n’ya ng tulong, kung ako man ay nagkulang, wala akong narinig na panunumbat. Ganito rin sila Inang noon, kahit alam kong kulang ang aking nakakayanang suporta ay abot-abot ang pasasalamat. Sana, kahit sa kanlurang bahagi na ng buhay ni Kuya, maipadama ko pa sa kanya ang aking pagmamahal. Marami akong naiisip na gawin para sa kanya, kasama na ang pagpasyal dito sa Indonesia. Hindi naman masama ang mangarap…
Lumalabo na naman ang aking paningin at nananakit ang aking ulo… lumalaki at lumilinaw ang floaters sa aking mga mata… kailangan munang magpahinga… sa mga susunod na araw, itutuloy ko ang pagguhit ng mga larawang nakakintal sa aking namumurol na utak…

Posted by: oneinamillionrose | November 4, 2012

Skylab

“End of the world na raw amigs!!!”

 Ito ang humahangos na salubong sa akin ni Sallie, sabay bagsak ng makapal na aklat sa mesang katabi ko. 

 Napatitig ako sa kanyang mabibilog na matang natatabingan ng makapal na salamin habang inaabsorb ng utak ko ang aking narinig.  Maraming beses na kasi akong nakarinig ng katulad na espekulasyon.  Nakalakihan ko na at nakasanayan ang maraming beses na pasulpot-sulpot na katulad na hula. 

 “Ano ba amigs, naririnig mo ba ako? Babagsak daw ang Skylab!!!”, nakapamewang at nakadukwang na s’ya sa harap ng mesa ko, halos magkadikit na ang aming mga mukha. 

 May kilabot na hatid ang huling katagang iyon… Skylab…

 “Ito amigs ung Mir space station, 86 ft ang haba, 55 ft ang lapad, 21 ft ang diameter”  litanya niya, habang iwinawagayway sa mukha ko ang front page ng dyaryong Taliba.

 Dagling inagaw ko ang pahayagan, ipinatong ito sa aking mesa at matamang binasa ang balitang iyon. Nakatakda na ngang bumagsak sa lupa ang Skylab sa loob ng tatlong araw. 

 “Amigs, hindi naman magugunaw ang mundo kahit bumagsak ito ng buong-buo” nakangiti kong balik sa kanya. “ At isa pa, pasasabugin daw ito sa himpapawid para maliliit na debris na lang pagdating sa lupa”.

 “Ay, basta, kailangang maghanda tayo amigs, mahirap na” punong puno ng emosyong konklusiyon niya, sabay tulak sa gitna ng kanyang salamin sa mata.

 Si Sallie ay kababayan at kasamahan ko sa opisinang pinaglilingkuran.  Punong-puno ng ekspresyon ang kaniyang mabibilog na mata. Mahaba at kulot ang pilikmata, may kakapalan ang labi , katamtaman ang haba ng kulot niyang buhok, mestisahin at pekasin ang mukha. Kahit bilugan ay seksi naman s’ya at dalagang dalaga na ang pangangatawan, hindi katulad ko na manipis ang dibdib.  Pareho kaming working student noon at sabay pumapasok sa PUP tuwing gabi. Amigs ang tawag namin sa isa’t isa, short for “amiga”. 

 Tulad ng inaasahan, ang pagbagsak ng skylab ang topic sa opisina sa buong maghapong iyon.  Iba’t iba ang opinyon. May natatakot, may nag panic-buying at mayroon namang dinadaan sa biro ang lahat.

“Naku, dapat nang tumikim ng “luto ng Diyos” ang mga machora d’yan” buska ng isang office mate naming lalaki sa mga old maid na kasamahan.   Si Sallie naman ay napansin kong mas mahaba ang oras na ginugol sa pakikipagusap sa telepono sa kanyang boyfriend nang tanghaling iyon.

 Hanggang sa dyipni papasok sa unibersidad ay patuloy si Sallie sa pangungulit sa akin. “amigs, paano na ang pangarap natin? Hindi na tayo makatatapos ng pag-aaral, hindi na tayo magiging CPA, hindi na tayo magiging manager”  litanya n’ya sa pagitan ng pagtulak-tulak sa gitna ng kanyang salamin sa mata. 

 “Oo  nga, paano na kaya ang kinabukasan at pangarap natin” ang tila nahahawang sagot ko.

Sa araw-araw na pagsasabay namin sa pagpasok, sabay din naming binabalangkas ang aming mga pangarap.  Pareho nga kasi kaming working student at parehong nananaginip na mahango sa kahirapan ang aming pamilya.  Ulila na si Sallie at may mga kapatid na nais tulungan pagdating ng araw. 

 Nagbabago lang ang mood namin tuwing dadaan kami sa hilehilerang “biglang liko” sa gawing Sta.Mesa bago makarating sa PUP.  Kahit seryoso si Sallie ay may kapilyahan din naman ito.  “amigs”  karaniwang bulong n’ya sa akin, sabay hatak sa aking siko palapit sa kanya, “dali, tignan mo kung may kilala ka sa mga taksing lalabas o papasok sa mga ‘yan” sabay dikit sa tenga ko ng makakapal na labing tinatabingan ng kamay.

 “Malabo ang mata ko amigs, di ko sila makilala”  sabay hanap naman ako ng siwang sa bintana ng dyip upang tignan ang mga taksing inginunguso n’ya.  “Naku, dapat huwag tayong papayag pumasok d’yan amigs” ang may pananakot na sabi n’ya sa akin.  “sus, wala naman akong boyfriend a! Ikaw nga ang dapat h’wag sasama kay Nanding amigs” protesta, sabay  kantiyaw ko sa kaniya. Hindi nalingid sa akin ang biglaang kurap ng kaniyang mata. Pag bukas nito’y tila may isang bumbimbilyang namatay at nabawasan ang kislap ng kanyang mga mata.  Nanatili kaming tahimik hanggang maghiwalay kami sa tapat ng hagdan kung saan dapat na akong pumanhik patungo sa aking klase.  “Sige amigs, kita tayo ulit bukas” halos sabay naming bigkas.

 Hindi ko malimutan ang saglit na pagkawala ng kislap na iyon sa kanyang mga mata.  “May nasabi kaya akong masama kanina?” tanong ko sa aking sarili habang mabigat ang mga hakbang na inaakyat ang matarik na hagdan.

 “Bumagsak na raw ang skylab sa Indian Ocean!!! Sigaw nang aming supervisor.  kahit narinig naming lahat mula sa kaniyang malakas na transistor ang balita. 

 “Hay, salamat naman, hindi tumama sa Pilipinas” sabay buntong-hiningang wika ni Ate Lota.  “O, asan na si Sallie? Dapat siyang magsaya, hindi nagunaw ang mundo”. Tawanan ang lahat.  Sa totoo lang, lahat kami’y masaya dahil sa magandang balitang iyon. 

 “Nasaan nga ba si sallie? Kahapon pa siya absent”, tanong ng isa, habang lahat sila’y bumaling sa akin, na parang dapat ay alam ko ang lahat ng nangyayari sa kaniya.  At siyempre, “hindi ko alam” ang aking sagot.

 Magmula noon ay hindi na pumasok si Sallie. Nag AWOL na siya sa opisina at nag drop-out na rin sa unibersidad.  Hulyo 9, 1979 kami huling nagkita, dalawang araw bago bumagsak ang Skylab sa lupa.

Malungkot ang buong semester na iyon, dahil wala na akong kasabay at kak’wentuhan sa dyipni gabi-gabi. Iniiwasan ko na ring tumingin sa hilehilerang motel na nadadaanan ko. Hindi ko alam kung bakit, pero basta ayokong tumingin. Siguro, ayokong isipin ng mga kasabay ko na tsismosa ako, o mas malala, baka isipin nilang gusto kong pumasok doon.

 Marso 1980, palabas ako ng gate ng PUP nang biglang may humatak sa aking braso. Pamilyar ang hipo ng malambot at matatabang daliri na sumakop sa aking siko.  “Amigs!!!” ang sigaw ng lalong pamilyar na tinig na iyon. Magkalapit kami, subalit pasigaw kaming nagkamustahan.   “Amigs, bakit ka narito? Bakit bigla kang nawala? Saan ka na ngayon? Anong ginagawa mo? Namiss kita, sobra!” Ang sunod-sunod kong tanong at deklarasyon.

 “Mahabang istorya, amigs, nag aayos ako ng records ko para makabalik sa esk’wela sa next sem. Nagpakasal na kami ni Nanding at bibinyagan ang panganay namin next month.  Ninang ka ha?” ang sunod-sunod niyang sagot, habang maya’t maya’y itinutulak-tulak ang gitna ng salamin sa mata.

 Ganoon pa rin si Sallie, walang pagbabago. Makislap at namimilog ang mata habang nagsasalita.  Matipid ang ngiti ng  tila naninimbang na labi.  “Ayoko kasing ngumiti ng malaki, kasi maluwang ang aking bibig” ang sabi niya sa akin noong minsang tinanong ko siya kung bakit matipid siyang ngumiti.

 Iniaabot niya sa akin ang isang imbitasyon. Mahigpit kaming nagyakap na parang nais bawiin ang lahat ng nagdaang panahon.

 Nasa dyip na ako nang maalala kong buksan ang imbitasyong isinuksok sa aklat na kipkip-kipkip kanina.

 “Please share our joy in the Christening of our daughter… SKY LOVE.”

 

 

 

Note:  Ang mga nilalaman ng kwentong ito ay kathang-isip lamang… ang pagkakatulad ng mga pangalan ng mga tauhan at mga pangyayari ay walang kinalaman sa tunay na buhay.

                       

 

 

 

 

Posted by: oneinamillionrose | January 31, 2010

Minsan

Kung minsan, kailangan mong tumindig at suhayan ang sariling paninindigan..
Mamili kung ano ang sa tingin mo ay tama, kahit pa ito, sa iba ay mali.
Minsan, kailangang mayroong masaktan, kahit pa ito ay ang iyong sarili.

Minsan, kailangan mong magbihis, upang harapin ang sa iyo’y naghihintay.
Kailangan mong maligo upang manatiling malinis ang katawan.
Ngunit kung ikaw ay magbibihis, maliligo, at magbabagong anyo,
Hindi ibig sabihing magbabago ang iyong pagkatao.

Minsan, kailangan mong matulog upang ipahinga ang pagal mong katawan.
Hindi upang limutin ang mga alaalang inipon sa iyong puso,
Kundi upang paghandaan ang hamon ng paparating na umaga.

Minsan, kailangan mong magsalita, hindi upang ikaw ay marinig.
Katulad din ng minsang kailangan mong tumahimik,
Upang ulinigin ang lumulutang na sari-saring himig.

Posted by: oneinamillionrose | August 23, 2009

Ang Yagit

Ang Yagit
(Tula ng aking inang si Generosa Marcelo Medina)

Dahong nangalagas, sangang nangahulog,
Damong nangabagbag yagit na naanod;
Masampid, matangay, matipon, masabog,
Magkasa-kasamang kinandong ng agos.

Sa sariling lupa nag-iwan ng buhay,
Sa laot ng dagat naghayag ng bangkay;
Patay na’y wala pa na himpilang hukay
Ikaw’y sumapadpad doon ang libingan.

Tangiin ng araw dagitin ng hangin,
Bulukin ng ulan kung nasa pampangin;
Balana’y yumakyak o kaya’y pulutin
Kung ipananamba o kung susunugin.

Iya’y dili iba sa ‘yong pagkabulok
Sa katas ng lupa na walang umirog,
Sa gutom na taong madalas maghambog
Isa ka lang yagit na walang kumupkop.

cory-stargazer
Nagising ang gabi sa nilikhang guhit,
Ang katahimika’y dagliang napunit
Nang ‘yong bigyang-laya ang kuyom na ngitngit
At ikaw’y naluklok at nagpakasakit.

Tatag ng prinsipyo’y matapang na hanging
Sa puyos ng dibdib may dapyong malambing.
Lunong mga binting sa lusak nalibing.
Binigyang lakas mong lumabang magiting.

Higit pa sa lahat ikaw’y isang ina,
Butihing maybahay martir na asawa.
Sa ‘yong pagbabalik sa piling ng Ama,
Ikaw’y gintong anak kahali-halina.

Ayokong bigkasin ang wikang “paalam”
Habang ang pag-asa’y hindi natatanaw.
Laging magsasabit mga lasong dilaw
Tuwing patnubay mo’y aming kailangan.

Agosto 3, 2009

Posted by: oneinamillionrose | July 21, 2009

H’wag Mong Sabayan Ang Paglubog Ng Araw

silip sa takip-silim

silip sa takip-silim

Nasalubong kita habang namamandaw sa laot isang dapithapon.

Ikaw’y pauwi na kasabay ang pakiling nang araw—

Ako nama’y pasuba at nag hahanap ng masisilungan.

Malamig ang hangin, subalit ito’y nakapapaso.

Nagtama ang ating mga mata at sabay napangiti.

“Tumitig ka sa akin at tayo’y mabubuhay na muli”,

ang iyong bulong sa hangin.

Bumaba ka ng bangka at hawak kamay tayong

sinukat ang dalampasigan… Papalaki ang tubig

at nais sakupin ang munting daigdig na ating binilugan.

Napasulyap ka  sa pakiling nang araw—

Waring naalala ang naantalang paglalakbay.

/

Ang bilin ko lamang aking mahal,

H’wag mo sanang sabayan ang paglubog ng araw.

/

Sa duyan, habang iniuugoy ng papalubog na araw
21 Hulyo 2009

Posted by: oneinamillionrose | July 6, 2009

Soneto Sa King of Pop

The best of Michael Jackson Album

The best of Michael Jackson Album

“In Our Darkest Hour
In My Deepest Despair
Will You Still Care?
Will You Be There?
In My Trials
And My Tribulations
Through Our Doubts
And Frustrations
In My Violence
In My Turbulence
Through My Fear
And My Confessions
In My Anguish And My Pain
Through My Joy And My Sorrow
In The Promise Of Another Tomorrow
I’ll Never Let You Part
For You’re Always In My Heart”

….Will You Be There , Michael Jackson

If there is one thing I’ll forever regret is not having been to the Michael Jackson Dangerous Tour concert here in Manila in 1996.  I remember promising myself to watch him once he comes here to perform.

My friend Tonton Fermin, (my office-mate in BMI who “recruited” me to FLI) had asked me to watch the concert, but I had just went under the knife giving birth to my daughter Nikki back then.  I was afraid not being able to stand the crowd. I’ve imagined myself in a pandemonium, getting trampled on with my newly operated-on abdomen saying hello to all the world… what a ghastly sight, and a very dishonorable way of meeting Joe Black… whew!!!  I don’t know, but this gruesome scenario has always stopped me from falling from the Ortigas flyover… every time my sanity is overtaken by my suicidal tendencies … hwehehehe…  : – D

I don’t care about what other people say about MJ… How he metamorphosed from ebony to ivory … or if he really was gay or a pedophile … Not that I am less moral or do I tolerate child abuse…  di lang ako  judgmental, I guess, and somehow, I want to believe what I wanted him to be.  A genius, ultimate performer, sensitive, perfectionist (when in comes to his performance), a great artist, and most of all, I feel there was a lonely child inside of that spectacular figure that makes his awed audience cry every time he climbs the stage, and cry more to beg him to stay there forever, as if they don’t want him to vanish from that fantasy world of music, of movements, of colors, of feelings, of art, of everything that is Michael Jackson.

I was in Cubao while he performed at the Araneta Coliseum on his first visit to the Philippines.  I was quite surprised that we were almost of the same age when all the while, I was expecting to see (in papers, that is) a little child, the Michael Jackson of the Jackson 5.  He was so cute, he actually looked more of a Puerto Rican than a black American. That was the first time I got to subscribe to Jingle Magazine and practically followed his career since then.  I bought his 2 solo albums that I took out of the shelf every time I come home- not to listen to it, but to look at his life size face on the cover…

Yes, he was my first love.  (ugh) This is my first confession.  Not even my mother knows about this. Hehe…

Even my singing voice that used to sound like that of Nora Aunor and Karen Carpenter started to sound like his…. Hahahahaha!!!! Ganun pala un… At un lang ang malungkot, ung boses kong buo at bilog, the one that my high school teachers and classmates would remember, e boses pipit na ngaun…. Hahahaha… (atleast, hindi boses kiki ehehehe….) For the information of how a “boses kiki” sounds, start listening to FG and his son Mikey.

I practically grew up with EM JAY… That’s how I called him… I even had a pen-pal from Jingle magazine that looked like him…. Hehe, nasan na kaya un… we promised to invite each other in our wedding, but we’ve lost touch….

I was there watching silently as his life- history unfolds… the metamorphosis, his competition with Prince, the reclusion, the comeback, the concerts, the scandals… sobrang awa ang aking naramdaman tuwing makikita ko s’yang umiiwas sa press, at ung mga pagsagot niya sa mga katanungang mahirap sagutin… ang laban sa korte, ang mga pagtraydor ng mga taong pinagkatiwalaan, ang mga interviews kung saan very humbly, sumasagot siya na nakangiti, pero alam mong there’s a child’s heart hurting inside him.

At ngayon, wala na si Michael Jackson, sa panahon ng pagtatangkang muling bumangon…  I will forever miss you Em Jay…

Bakit ko nga ba isinusulat ito? Ewan, malungkot lang siguro ako ngayon.

Matagal na akong hindi tumutula, pero siguro, makatutula na ako dahil malungkot ako ngayon…

Isang Soneto sa King of Pop

(Kay Michael Jackson)

Paano pipigilin ang pagbuhos ng ulan

Kung ang ulap sa langit ay may pusong sugatan?

Hindi kayang suyuin ng ginintuang araw

O ng lambing na sipol nitong napiping buwan.

Gaano bang kalalim itong iwing panimdim

Na tinaglay ng kislap ng hambuging salamin?

Hindi kayang pawiin ng samyo nitong hangin

O pag-aalumpihit hakbang ng takipsilim.

Sino ang magsasabing mabigat mga paa

Malilikot na kamay may kawing na kadena?

Kung maharot na tugtog na ang kumukumparsa’y

Hindi kayang limiing malungkot na plegarya.

Ginto kang panginoring kasama’y mga bitwin

Hiwaga ng damdami’y hindi kayang arukin.

Rosemarie Medina Ydia

04 July 2009

Older Posts »

Categories