Posted by: oneinamillionrose | July 6, 2009

Alamat Ng Baryo Binagbag

Ang Alamat Ng Baryo Binagbag

Ni Rosemarie Medina Ydia

Doon po sa amin sa nayong Binagbag,
Dati’y may ‘sang bundok na lubhang madawag.
Mayroong diwatang doon ay nabihag,
Ng pangit na bruhang gising sa magdamag.

Diwatang maganda, siya ay nainggit,
Sa seksing katawan at mukhang kay rikit.
Maraming binatang nais na dumikit,
Pati na ang irog ng bruhang masungit.

Kaya ‘sang umagang diwata’y namasyal,
Agad nilapitan at saka nilinlang.
Nagkunwang ‘sang batang nawala sa parang,
At saka humingi ng gabay sa daan.

Ang diwata namang sakdal buti’t hinhin,
Ang bata’y binigyan agad ng pagkain.
Anong laking gulat, nang kanyang mapansin,
Nagbago ang anyo, naging bruhang itim.

Agad na binihag sa gubat ‘kinulong,
At saka nilagyan ng bundok na lambong.
Diwatang maganda ay nang maikanlong,
Sa mga binata na hilong talilong.

“Ikaw nga ay dapat dito’y manatili,
Pagkat ikaw nama’y saksakan ng landi.
Hanggat matagpuan ng mabuting budhi,
At saka ka lamang lalaya’t uuwi”.

Ang nagdaang taon, kay bilis lumipas,
Diwatang nawala’y ninais tumakas.
Kahit anong gawi’y hindi nakaalpas
Sa bundok na tabing na ubod ng taas

Maraming binatang sa kanya’y naghanap,
Hindi matagpuan dalagang pangarap
Kahit sa hangin man, sila ay nangusap,
Sila ay gabayan at bigyan ng hudyat.

Maraming nagtangkang siya ay iligtas,
Subalit sa daan, sila’y nauutas.
Binata sa baryong sadyang magigilas,
Wala nang natira kung hindi si Kulas.

Si Kulas ay mayrong kaibigang ibon,
Katulong maghanap sa buong maghapon.
Isang munting pipit ang dito’y bumulong
Magandang balita, kanyang pahimaton.

Ibon ay dagliang ulat sa binata,
“Sa kabilang bundok, tunghan ang diwata”.
At itong si Kulas, lumukso sa tuwa,
Sa paglalakbay ay, agad na naghanda.

Sa daan ay mayrong tatatlong paraan,
Papuntang kaliwa, gitna at sa kanan.
Ang isa’y papunta sa diwatang banal,
Dalawa’y patungong , pait-kabiguan.

Isang daan lamang ang tuwid na landas,
Sa pusong busilak ito ay bubukas.
Ang iba’y patungong tarik na talampas.
Maitim na budhi’y doon mauutas.

Doon sa Paraan, binata’y tumindig,
Dagling nagdesisyon, hindi na nag-isip.
Piniling landasi’y sa kaliwang dibdib,
Sinunod ang tibok at ng puso’y pintig.

Ang landas na iyon, ay biglang bumukas,
Kasabay ng hangi’t kidlat na kaylakas.
“Bagbagin! Bagbagin!” ang ugong ng kidlat
“Bagbagin! Bagbagin!” hangi’y binulalas.

Sa mata ni Kulas, diwata’y tumambad
Malungkot na mukha’y biglang nagliwanag.
Sa matinding tuwa’y agad na yumakap,
Sa binatang tingin ay ubod ng gilas.

Sa kanilang pag-uwi, doo’y nasalubong
Ang hindi napansing nawawalang ibon
“Saan ka nanggaling?” binata’y nagtanong
“Baka sa talampas ikaw ay tumalon?”

“Ngayo’y alam ko nang maitim ‘yong budhi”
Biro ni Kulas sa ibong natameme.
Ibong napahiya’y lumipad madali,
Binagbag na bundok, ay tila sinuri.

“Ito na ang ating munting paraiso,
Dito itatayo ang ating palasyo.
Ito ay magiging isang munting baryo,
“Binagbag” ang ating itatawag dito.”

Paraan- makipot na daang-tao


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: