
Nang Iniwan Ko Ang Simbulo Ng Pagkabusabos
Ni Rosemarie Medina Ydia
Maraming tadyak ang aking tinanggap.
Subalit itinikom ko ang aking bibig,
Inilaan ang aking likod
Sa pagtanggap ng mga hataw;
Ipinikit ang aking mga mata,
Matagal nang nakapinid ang aking puso
Sa ngiti ng hinaharap:
Pati kaluluwa ay iginapos
Sa mga lumang pahina ng aking aklat.
Matagal na panahong nanunukso
Ang retasong nakatali sa aking mga kamay:
“Hipuin mo ako, sapagkat ako’y iyong gabay.”
Sinubok ko itong kapain,
At mayroon akong nasalat.
Ngayon ko napagtantong
Ito pala ay may balat. (Akala ko ito ay kathang isip lamang.)
Hinatak ko ang isang hibla
At tuloy-tuloy itong nakalag.
Sinubok kong unti-unting kumilos—
At dahan-dahang sinubok kong tumayo;
Iminulat ko ang aking mga mata,
At nakabanaag ako ng liwanag;
Ibinukas ko ang aking bibig,
At mula doo’y narinig ko ang aking sariling tinig…
Leave a Reply