Posted by: oneinamillionrose | December 14, 2006

Mga Tulang Alay kay Ama (Ni Tata Raul Funilas)

Yagit
(Tula ni Inang Pilising Marcelo)
Dahong nangalagas, sangang nangahulog,
Damong nangabagbag yagit na naanod;
Masampid, matangay, matipon, masabog,
Magkasa-kasamang kinandong ng agos.
Sa sariling lupa nag-iwan ng buhay,
Sa laot ng dagat naghayag ng bangkay;
Patay na’y wala pa na himpilang hukay
Ikaw’y sumapadpad doon ang libingan.
Tangiin ng araw dagitin ng hangin,
Bulukin ng ulan kung nasa pampangin;
Balana’y yumakyak o kaya’y pulutin
Kung ipananamba o kung susunugin.
Iya’y dili iba sa ‘yong pagkabulok
Sa katas ng lupa na walang umirog,
Sa gutom na taong madalas maghambog
Isa ka lang yagit na walang kumupkop.
Hindi Mapipigil Ang Paglubog Ng Araw
Ni Raul Funilas 
Isang Bulakenyang inabot ng unos
Sa pusod ng dagat ng masigwang laot,
Pihikang mamili ng makaka-irog
Kaya tinanghaling magsukob ng kumot.
Minsang may sundalong tubo sa Laguna’t
Kababalo lamang sa kanyang asawa,
Pumitlag ang puso sa kanya’t suminta;
Nang dakmai’y dibdib dalaga’y nagitla.
Agad sumagila ang kutob ng takot,
Baka ipamansag na suso’y nadakot;
Lalo’t kanang dibdib may ukdong makirot
Nabagsak ang banga tubig ay umagos.
Nagmahalang lipos sina Pasyo’t Ising,
Sa palengkeng lugar naglako ng saging;
Asawang si Pasyo’y sundalong magiting
Nabigyang biyaya na limang tsikiting.
Humangga sa rurok ang pagmamahalan,
Sa tikas sundalo’y merong nangamukaw;
Tatlong Magdalena ang haling sumingkaw
Ang nanay kong Ising nalumbay sa hagdan.
Matiising martir kinalinga’y anak,
Tungong edukasyon at laksang pangarap;
Bagama’t sa gabi’y babag nang bagabag
Maluwag sa dibdib na kanyang tinanggap.
Libong pagtitiis sa asawang taring,
Ang laksang himala yuta kung dumating;
Pangako sa Poon kanyang tutuparin
Dahil minamahal ang sundalong sutil.
Lumipas ang taon sa dinasal-rasal,
Unting nalilikom ang silay ng araw;
Inipong tahimik sa tahanang altar
Biyayang nagningning sa buhay ay tanglaw.
Hinukay malalim ang bundok matayog,
Hanggang maging balon kay-linaw ng bubog;
Humapay ang araw sa pagyuyukayok
Hanggang sa libinga’y laging magkayapos.

Inang Generosa Marcelo Medina
Ni Raul Funilas
Gunita ng nagdaan.
Elising sumalimbay
Nang tayo’y magk’wentuhan,
Eklipsing pagdaramdam.
Ragasa nitong unos,
Olimpong sumukob
Sa itinanging irog;
Ang D’yos ang nagkaloob.
Mahal ang limang anak,
Ehemplong pinangarap—
Dagitin ang pagtanyag,
Ipedestal sa andas.
Nakamit mo’y pag-asang
Anak, apo’t asawa.
Ama
(Bonifacio A. Medina)
Ni Raul Funilas
Si ama, wala na! Wala na si ama!
(Anak na nag-iwi, anak na nagmahal,
anak na sumunod sa kanyang magulang.)
kay-sakit sa pusong mawala ka ama!
Ikaw! Ikaw na naglantay ng aming isipan;
Ngayon ay pumanaw sa mundong ibabaw.
Ang dalit ni ama ang aming kanlungan,
Ang awit ni ama ay kaligayahan;
Ang lambing ni ama’y aming kinalugdan
Ang bagsik ni ama ang sadyang gumabay
At nagging hagdanan ng aming Tagumpay.
Ang tudyo ni ama ay yakap ni Inang,
Ang yakap ni ama ay gamut ni Inang;
Ang halik ni ama ay tuwa ni Inang
Ang tuwa ni Inang ay mahal ni ama.
Ang hunta ni ama ay bida ng buhay,
Sa mga kapatid at pupong kapinsan;
Lagi siyang bida sa aming tahanan
Na ang bala’y wikang aming tinuntungan.
Mahal na ama ko, sa iyong paglisan,
Iyo nang baunin laksang kapansanan;
Ng anak at apong sa iyo’y nagmahal—
Ibulong sa Diyos: Huwag ng idantay
Sa iyong iiwan libong kalungkutan.
At sabihin mo rin sa Poong Maykapal
Na tanggap na namin ang iyong pagpanaw,
At ang pahimakas naming pagdarasal
Ikaw amang Pasyo ay Kanyang ilagay
Doon sa luklukang Banal Nating Altar.

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: