Posted by: oneinamillionrose | December 8, 2006

Isang Pagbabahagi: Ala-ala ni Ama

Ama at Inang wedding

Sa aming pamilya, si Inang ang balikat na iyakan, siyang sumbungan, daingan, ngunit habang ako’y umiiyak sa kanyang balikat, sa isang sulok ng aking mata’y naroon si Ama, kuyom ang palad, tiim bagang, isang salita lamang at handa siyang managa ng taong nagpaiyak sa akin… Kung si Inang ang tagapagmahal, taga-himas, tagahalik, taga-iyak, si Ama naman ang taga lutas ng kahit anong suliranin, siya ang may desisyon, may mas malawak na pananaw sa buhay…

Hindi ko huhusgahan si Ama sa kanyang pagiging babaero, pananagutan nya iyon sa Panginoon at kay Inang… huhusgahan ko sya sa pagiging ama… Kung ang pagiging ama niya ang gagawing sukatan ng pagkalalaki, maraming lalaking magmumukhang “bakla” sa kanyang harapan.

At mayroon akong sikreto na nais ibahagi sa inyo, (ito’y ipinagtapat ko sa kanya noong unang pagkakataon na siya’y maratay sa banig ng karamdaman). Noong ako’y nasa ika-2 taon sa mataas na paaralan, umuwi kami sa Bulacan, matapos kaming masunugan sa Maynila… Examination week noon, at kailangan akong mag bayad ng tuition upang makakuha ng exam… As usual, kay Inang ako lumapit, “Inang”, kako, “wala po ba akong ibabayad sa tuition fee ko ngayon?” Hindi pa bumubukas ang bibig ni Inang ay naroon na si Ama, sabi “ Mangutang ka muna kay Anda Buro mo ng 23 pesos, mamaya kamo natin babayaran”. Sa madali’t sabi ay nangutang ako at nakapag exam.

Pag-uwi ko nung tanghaling yaon, ( tanghaling tapat yun) tirik na tirik ang araw, nadaanan ko Si Ama, sa edad na 55 ay nag lalambitin sa lubid na nakakabit sa isang kalo, butil-butil ang pawis na nag lalandas sa kanyang noo, leeg at dibdib. (mag poposo kasi si Ama, at halos lahat ng posong naka tanim sa kalupaan ng aming bayan ay nagdaan sa kanyang kamay, kung hindi man siya ang gumawa, ay na-repair nya ang mga ito).

Tila kinurot ang aking puso at biglang nagsalimbayan ang mga katanungan sa aking isip, kumain na kaya siya? Hindi kaya nagpapaltos na ang kanyang mga palad? At bigla ang realisasyon, na dito pala mangagaling ang ipambabayad niya mamaya sa aking ipinang-matrikula…At ako’y napatingala sa langit, sabay usal ng isang pangako: “Magtatapos ako ng pag-aaral, hindi ako magpapaligaw, hahanguin ko sa hirap ang aking mga magulang”

At ang munting pangakong iyon ang naging basehan ng lahat nang mahahalagang desisyon sa aking buhay… Ang munting pangakong iyon ang naghatid sa akin sa kung ano ako ngayon… hindi ako perpekto, ngunit alam ko, hanggang sa huling sandali ay kinalinga ko ang aking ama… at ang huling pakaing tinanggap niya ay 3 pirasong ubas na binalatan ko at isa-isang isinubo sa bibig ng aking amang minamahal.

Ngayon nga’y wala na si Ama, hindi na kailan man siya’y makikita, mahahawakan, maririnig, mayayakap, basta wala na si Ama… May naiwang hungkag na hukay sa aking puso… hindi kailanman mapupunan…

Hindi ko alam kung bakit ko ito isinulat at lalong bakit ko ito ibinabahagi, basta gusto ko lang… pasensya na po kung nakaabala…


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: